Dapat ba akong mag-alala?, Hindi dapat mangamba ang mga tinedyer sa mga pagbabagong nararanasan o nagaganap sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga. Ang lahat ng mga kalituhang nararamdaman ng mga tinedyer ay normal o pangkaraniwang pangyayari lamang. Ang pagbibinata at pagdadalaga ay panahon ng pagbabago na dapat asahan ng isang tinedyer, sa paglaki at pag-unlad o pagdebelop - sa pangkaanyuan, pangkaisipan, pandamdamin at pang-ispiritwal.
Ang pagbibinata at pagdadalaga ay napakahalagang baitang sapagkat kung hindi mararanasan ang mga pagbabagong ito, mapapabuti ka ba? kaya mabuti na mayroon kayong kakayahan para magbago. Ang napakahalagang bagay dito ay ang pagbabago ay nasa tamang direksyon, pagbabago tungo sa pag-unlad ng sarili. Kapag umabot ka sa puntong lagi kang conscious na conscious kung paano kikilos at magsalita sa harap ng iba, hindi na sumasali sa mga laro tulad ng sipa, piko, taguan, at hindi na nakikipaghabulan sa mga kalaro sa kalye, maraming nararamdaman na hindi maipaliwanag, nahuhumaling sa hinahangaang artista o manlalaro, nagiging sumpungin o pabagu-bagu ang isip ay mga palatandaan ng pagbabago kapag nagbibinata o nagdadalaga kana. Subukan paunlarin ang kumpiyansa sa sarili, makipaghalubilo sa mga kaklase at kaibigan, mag-ukol ng panahon sa mga libangang-gawain na ibig ng iyong interes. Lumaki na may kumpiyansa sa sarili. Nung bata ka, inaalalayan ka pa ng iyong mga magulang. Darating ang panahon, ikaw na ang tatayo sa iyong sarili. Ang iyong mga magulang ay patatapangin ka para makalakad at suportahan hanggang sa unang hakbang ay magawa. Pero sa huli, ikaw ay maglalakad na hindi mo na kakailanganin sila upang hawakan ka sa kamay para tulungan ka maglakad. Sa ngayon ikaw ay umaasa sa iyong mga magulang sa maraming paraan. Pero unti-unti o habang tumatagal dapat na lumaki na may kumpiyansa sa sarili at hindi na umaasa.
Alam mo dapat ang mga bagay na dapat gawin. Huwag mong hintayin na sabihan pa ng iba na gawin ang isang bagay. Alam mo na dapat mag-aral ng mabuti, gawin ang takdan-aralin, pag-aralan ang mga tinuturo ng guro, tapusin ang mga proyekto, ilagay sa tama ang higaan at linisan ang kuwarto. Gawin ito na hindi inuutusan. Ito ay isang paraan para maipakita sa inyong magulang na ikaw ay umuunlad sa paglaki para hindi na palaasa. Ang pagtayo sa sarili ay magkatulad sa responsibilidad. Kung alam mo ang dapat gawin ay huwag mag-alangan na gawin ito. Ikaw ay may kakayahan upang hindi na maging palaasa sa ibang bagay, at ang iyong mga magulang ang unang makakadiskubre nito. Huwag hintayin na utusan ng magulang na gawin ang mga gawain sa bahay. Ang mga bata lang ang inuutusan na gawin ang isang bagay. Maging responsable, sa loob ng bahay o maging sa labas tulad ng eskwelahan at kumunidad. Ang pagdadalaga o pagbibinata ay ilan lamang sa mga pagbabago na dapat bukas ang isip sa mga ito at pag-aralang nating paunlarin tungo sa mabuting kahihinatnan.